Culture · Indicent · Season

Kung Bakit Hindi Ko Gusto Ang Unang Araw ng Simbang Gabi?

Heart-Soul-Pic-2.jpg

Image source via: gageloniadmojo.wordpress.com

Dahil hindi lahat ng una, ay masaya.

December 16, 2011. Five years ago. Just imagine. Madaling araw. Pasado alas-kwatro. Papauwi ka pa lang ng bahay galing sa overnight school work. Umaambon. Naglalakad ka sa isang maputik na daan. Madilim at walang ilaw. Sa kanang bahagi mo, mapapansin ang mataas na pader ng eskwelahan, habang sa kaliwa naman ay mga kabahayan. Sa dulong parte ng iyong lalakaran, maaaninag ang poste na tanging nagbibigay ilaw sa daan. Bente metro ang layo mula sa kinatatayuan mo. Kailangan mong magmadali. Maliban sa papalakas nang papalakas ang ulan, wala ni isang tao sa daan.

Habang nasa kalagitnaan ka na ng madilim na eskinita, maririnig mo ang tunog ng kampana ng kapilya. Hudyat ng unang araw ng simbang gabi. Umaalingaw-ngaw. Kasabay ng pagtampisaw ng paa at atensyon mo sa masukal na daan, biglang may mahigpit na kamay na tatakip sa bibig mo, mararamdaman ang matigas na bagay sa’yong kanang tagiliran, at mabilis  niyang utos na sasabihing, “WAG KANG SISIGAW! IPUPUTOK KO ‘TO. AKIN NA GAMIT MO!” Anong eksena? Matik na teh. HOLDAP ‘TO! HOLDAP!

At isa lang ang papasok sa isip mo, “WALA KANG IBIBIGAY. HINDI KA PWEDENG MAMATAY. DAHIL MAMAYANG ALAS-OTSO, MAY CHRISTMAS PARTY PA KAYO!”

Just imagine. Nasa likuran mo sya. Gamit ang kaliwa nyang kamay, madiin niyang tinatakpan ang bibig mo. Amoy kinalawang na bakal ang palad. Habang ang kanan naman nya, patuloy na idinidiin ang matigas na bagay sa iyong kanang tagiliran. Ang mga kamay mo’y nakahawak sa shoulder bag na nakasukbit sa kanan mong balikat. Mararamdaman mo ang pigil niyang paghinga sa iyong ulunan. Dahan-dahan. Umuulan. Umaalingaw-ngaw ang kampana. Hindi ka makapalag. Hindi ka makasigaw. Hindi ka makagalaw. Corner ka ‘teh! Checkmate!

Ang tanong ngayon, kung paano ka tatakas sa kamay ng dyablong berdugo? Isip. Focus. Kalma. At agad magsasayawan sa utak mo, ang litanya ng earquake drill. Duck-Cover-Hold pero sa ibang anggulo. Duck-Run-Shout! Sabay banggit ng ubod lakas sa mga katagang, “AAAHHHHHHHHHHHHH!!!” TAKBO! BILIS! TAKBO! Hanggang makarating ka sa poste ng kabilang dulo! Dahil kung hindi, tataniman ka ng bala sa katawan mo!

Ilang sandali lang, nakatakas ka na, habang kinakapos ng paghinga. Lilingunin mo ang madilim na eskinita. Wala na si Kuya. Punyemas. At makikita mo, nandun sya sa sulok ng kabahayan. Nakatayo. Pinagmamasdan ka, kasama ng dalawa niya pang katropa. Tangna! Hindi pala siya nag-iisa! Maya-maya pa, naglaho na sila. Mission abort! Parang eksena sa pelikula.

To cut the long story short, nakatakas ako. Nakauwi ng bahay. At nakipagwal-walan pa rin sa party. Indak pa more.  Limang taon na ang nakalipas. 5th Anniversary. Kamusta na kaya si kuya? Ilan na kaya ang nabiktima niya? Marahil hindi niya rin makalilimutan ang eksena sa madilim na eskinita.

Sa kauna-unahang pagkakataon, may pumalag sa kanya. At sa unang araw ng simbang gabi, hindi lahat makapag-mimisa. Dahil hindi lahat ng una, ay masaya.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s